Kinansela ang pagpasok ng isang commercial tanker na maglilipat sana ng 39 milyong galon ng gasolina mula sa pasilidad ng militar ng Estados Unidos.
Sinabi ni Armie Llamas, officer in charge ng SBMA’s office of the deputy administrator for corporate communications, na kinansela ng tanker Yosemite Trader ang kahilingan nito para sa isang port call, batay sa impormasyong nagmumula sa seaport department ng ahensya.
Hindi sinabi ni Llamas ang dahilan ng pagkansela, ngunit ang pagsisiwalat ay dumating isang araw matapos maglabas ng pahayag si Sen. Imee Marcos na kumukuwestiyon sa tila kawalan ng transparency tungkol sa kargamento, partikular sa panig ng Department of National Defense (DND) at ng Armed Forces of the Philippines, dahil may kinalaman ito sa pakikitungo sa militar ng US.
Ang Subic Bay, idinagdag ay hindi rin kabilang sa mga base na magagamit ng militar ng US sa preposisyon ng mga pwersa o kagamitan sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (Edca).
Sinabi ni Llamas na naunang nakatanggap ng komunikasyon ang SBMA mula sa US Navy noong Martes para sa planong paglipat ng gasolina sa Subic, isang dating US naval base.
Nitong Huwebes din, kinumpirma ng US Embassy sa Manila na nasa vicinity na ng Subic Bay ang commercial tanker para ilipat sana ang kargamento nitong gasolina na nagmula sa US military facility sa Red Hill, Pearl Harbor, sa Hawaii.