-- Advertisements --

ROXAS CITY – Arestado ang isang miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) sa Barangay Pinamalatican, Sigma, Capiz matapos binaril ang kalaguyo diumano ng kaniyang misis sa naturang lugar.

Ayon kay Exec. M/Sgt. Jolito Magbanua, deputy chief of police ng Sigma Municipal Police Station, nakaaresto sa ngayon at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang suspek na si George Durana, 58.

Base sa inisyal na imbestigasyon, pauwi na ang biktimang si Jose Ronnie Luche, 38 taong gulang mula sa isang sayawan sa naturang barangay nang sinundan ito ng suspek at saka binaril.

Sinabi pa ni Magbanua, dati nang may alitan ang dalawa at may naging komosyon na rin ang mga ito sa Barangay Matinabus, sa naturang bayan kung saan hinagis umano ng bote ng suspek ang biktima.

Pinaniniwalaang selos ang motibo ng suspek sa pagbaril sa biktima dahil hinala ni Durana ay may relasyon ang kaniyang misis kay Luche.

Kaagad na ipinagamot sa ospital ang biktima samantala naaresto ang suspek sa ikinasang hot pursuit operation ng mga pulis.