LEGAZPI CITY – Nasa pangangalaga na sa ngayon ng kapulisan ang suspek sa insidente ng pamamaril sa Barangay San Vicente, Catanduanes.
Sugatan sa insidente si Antonio Tabuzo, 50-anyos at isang barangay tanod.
Batay sa report ng Police Regional Office 5, natutulog ang suspek na napag-alamang si Brgy. Kagawad Francis Bajaro, 58-anyos ng magising sa ingay na dulot ng pambabato sa bintana sa harap ng kanilang tirahan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PMaj. Antonio Perez, hepe ng Virac PNP, may bitbit umano na kutsilyo si Tabuso at ng susugurin na ng patalim nagsagutan pa ang mga ito hanggang sa mauwi sa pagbunotng baril ni Bajaro na ipinutok sa biktima.
Dinala naman sa Eastern Bicol Medical Center ng mga kamag-anak si Tabuzo na nasa kritikal pang kondisyon.
Agad naman na ipinaalam sa kapulisan ang nangyari kung kaya agad na rumesponde at naabutan ang suspek na kusa namang sumuko.
Inihahanda na ang karampatang kaso na kakaharapin ng suspek habang narekober dito ang isang caliber 45 na pistol at tatlong bala kabilang na ang expired na lisensya sa paggamit ng baril na may petsang 2019.