-- Advertisements --

Labis ang lungkot ng ilang sikat na personalidad sa Hollywood matapos tupukin ng sunog ang music venue na Koko sa London.

Ayon sa London Fire Brigade, nasa walong fire engines at aabot naman sa 60 bumbero ang ipinadala sa nasabing lugar upang kontrolin ang mabilis na pagkalat ng apoy.

Pansamantalang isinaraw ang Koko, na ang dating pangalan ay Camden Palace, dahil sa isinasagawang “major state-of-the-art transformation.”

Matatagpuan ang naturang gusali sa Camden, north London kung saan nag-perform na rito ang ilan sa mga tanyag sa music scene tulad nina Madonna, Prince, Kanye West at Bruno Mars.

Orihinal na binuksan ang Koko noong 1900 bilang Camden Theater.

Dagdag pa ng London Fire Brigade, nakatanggap umano sila ng tawag mula sa 22 indibidwal tungkol sa nagaganap na sunog.

“Hard work and dynamic action has helped prevent significant escalation and fire spread,” wika ni Jonathan Smith, assistant commissioner ng brigade control and mobilising. “We will have a presence throughout the night to ensure a safe resolution to the incident.”

Patuloy naman ang imbestigasyon para malaman ang naging sanhi sa likod ng sunog. (CNN)