Kinumpirma ng European Union’s Copernicus Climate Change Service na ang taong 2023 na ang naitalang pinakamainit na taon sa nakalipas na 100,000 na taon. Nakapagtala ng 14.98 degrees celsius na global average temperature ang nakaraang taon, mas mataas sa record noong 2016 na 14.81 degrees celsius.
Ang pangyayaring ito ay inaasahan na umano ng mga scientist dahil buwan-buwan nababasag ang matataas na climate record ng mga nakaraang taon.
Ayon din sa report, ang buwan ng Hulyo at Agosto ang pinakamaiinit na buwan kasabay ng summer season sa Northern Hemisphere.
Ang itinuturong dahilan ng ahensya ay ang greenhouse gas emissions at ang pagkakaroon ng El Nino sa Eastern Pacific. Kaugnay rin nito ang malaking bilang ng carbon dioxide mula sa pagsunog ng coal, oil, at gas.
Dahil dito, nagbabala ang Copernicus na kapag nagtuloy-tuloy ito ay maaari pang tumaas ang global average temperature ngayong taon.