Tinawag ni Commission on Elections chairman George Erwin Garcia ang 2025 bilang super election year dahil sa unang pagkakataon ay magkakaroon ng tatlong eleksyon sa isang taon.
Ginawa nito ang pahayag kasabay ng kanyang pagdalo kahapon, Oktubre 25, sa Voter’s Education and Automated Counting Machine Demonstration nitong lungsod ng Cebu.
Sinabi pa ni Garcia na hindi lamang isang halalan ang gagawin ng komisyon kundi kasabay ng national at local elections ay ang kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro at ilang buwan pagkatapos niyan ay ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections naman.
Ibinunyag pa nito na maraming “first time” ang dapat asahan sa eleksyon sa susunod na taon tulad ng paggamit ng bagong mga makina, pagsasagawa ng mall voting, internet voting para sa mga nasa abroad, at paglalagay ng colored pictures sa lahat ng listahan ng mga pangalan sa labas ng mga presinto.
Naniniwala pa ang komisyon na kung magiging matagumpay ang internet voting para sa kababayan na nasa abroad ay pwede pa umanong itong gamitin sa bansa lalo na sa mga nakakatanda, may kapansanan at mga nagdadalang-tao.
Umaasa naman si Garcia na mapagtanto ng bawat isa na isang araw lang ang pagboto pero malaking hakbang na umano ito ng pagbabago tungo sa kinabukasan.
Umapela din ito sa mga Pilipino na bumoto ng tama base sa dikta ng puso, konsensya at kaisipan dahil sila pa umano ang humuhubog sa kung ano ang gusto ng isang lungsod o probinsya na mamuno.
Samantala, iniulat naman nito na sa nakaraang Sangguniang Kabataan Elections, halos 1,500 pa umano ang kinasuhan nila dahil sa premature campaigning at pamimili ng boto.