BAGUIO CITY – Muling pinayagan ng lokal na pamahalaan ng Baguio ang pagsasagawa ng mga film productions dito sa lungsod.
Ito ay matapos suspendihin ng Baguio LGU ang mga filming activities noong buwan ng Agosto dito sa lungsod kasunod ng pag-viral ng report ukol sa di umano ay pagpositibo sa COVID-19 ng aktor na si Arjo Atayde at siyam na kasama ng film crew nito at sa sinasabing mga paglabag nila sa health protocol ng kanilang bubble setting.
Ayon kay Atty. Althea Alberto, Executive Assistant ng City Mayor’s Office, muling pinayagan ang film production sa lungsod kasunod ng pagbuo nila ng mas mahigpit na mga alituntunin ukol sa nasabing aktibidad.
Aniya, sa ngayon ay may apat na filming activities na kasalukuyang ginagawa sa lungsod para sa mga local television series at dalawang pelikula.
Ipinasigurado niya na may kaukulang mga dokumento at fully vaccinated ang mga artista at production crews.
Aniya, nakasaad sa mas mahigpit na alituntunin na dapat sundin ng mga artista at production crews ang bubble setting ng kanilang taping kung saan bawal na ang paglabas-masok ng mga ito sa lungsod, maliban lamang kung may mahalaga silang gagawin gaya ng pagkuha ng mahahalagang kagamitan sa labas ng Baguio.
Kinakailangan ding magbigay ng kopya ang production company ng tala ng mga artista at crew, kasama na ang sasakyan ng mga ito bago ang pagsasailalim nilang lahat sa triage.
Kinakailangan din na may safety protocol officer ang bawal grupo na magsasagawa ng taping na siyang makikipag-ugnayan sa District Health Center ng barangay kung saan sila magte-taping.
Mahigpit ding imomonitor ng LGU ang mga artista at mga production crew sa mga accomodation establishments kung saan tutuloy ang mga ito.