Magandang balita para sa lahat ng mga motorista!
Dahil sa unang linggo ng taong 2024 ay tapyas-presyo sa kada litro ng produktong petrolyo ang sasalubong para sa inyo.
Inaasahang bababa sa Php0.10 ang presyo ng kada litro ng gasolina, habang nasa Php0.35 naman ang magiging tapyas sa kada litro ng diesel, at mababawasan naman ng Php1.40 ang halaga ng kada litro ng kerosene.
Magiging epektibo ang naturang mga oil adjustment bukas, Enero 2, 2024, pasado alas-6:00am.
Samantala, sa kabila nito ay taas-presyo naman sa presyuhan ng liquefied petroleum gas ang bumungad sa mga Pilipino ngayong unang araw ng taong 2024.
Simula kasi ngayong araw, Enero 1, 2024, ay epektibo na ang Php3.40 na dagdag singil sa presyo ng kada kilogram ng LPG.
Paliwanag ng mga kinauukulan, ang naturang adjustment sa presyo ng LPG ay sumasalamin sa international contract price nito para sa buwan ng Enero ng taong 2024.