Suportado ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang naging desisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na bawasan ang taripa na ipinapataw sa imported na bigas na gagawing 15 porsyento mula sa 35 porsyento.
Aniya, ang pagsisikap na maibaba ang presyo ng bigas ay naaayon sa layunin ng administrasyong Marcos Jr. na gawing abot-kaya ang mga pangunahing bilihin.
Ayon kay Speaker Romualdez hindi rin dapat mangamba ang mga lokal na magsasaka na mabawasan ang tulong na kanilang natatanggap mula sa pamahalaan sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund salig sa Republic Act No. 11203 o Rice Tariffication Law.
Ayon sa lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan sa nakaraang mga buwan ay umabot na sa P16 bilyon ang buwis na nakolekta mula sa imported na bigas.
Tinukoy din ng House leader ang isinusulong na panukala ng Kamara na ibalik ang mandato ng National Food Authority na makapag-angkat ng bigas na maaaring ibenta sa Kadiwa center sa murang halaga.
Ang naturang panukala ay nakabinbin pa sa Senado.