Lalo pang lumawak ang Tara, Basa! Tutoring Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kasunod ng paglulunsad nito sa iba pang rehiyon sa buong bansa.
Maalalang una itong umarangkada sa Metro Manila kung saan ay nagsilbing tutor o pansamantalang guro ang mga estudyante ng kolehiyo na kwalipikadong pumasok sa programa.
Tinuruan ng mga 2nd year -4th year college students noon ang mga incoming grade 2 pupils na hirap pang makapagbasa.
Ayon sa DSWD, kasabay ng pagpasok ng Hulyo ay sinimulan na ring ipatupad ang tutoring program sa iba pang rehiyon katulad ng Regions 3 (Central Luzon), 7 (Central Visayas), 8 (Eastern Visayas), 10 (Northern Mindanao), 12 (SOCCSKSARGEN), at CALABARZON.
Dahil dito, inaasahan muling mangangailangan o makakapag-recruit ang pamahalaan ng hanggang 10, 289 na mga 2nd yr hanggang 4th yr students na sasalang sa training upang magsilbing tutor ng mga mag-aaral.
Ang mga ito ay tatawaging Youth Development Workers (YDWs).
Inaasahang makakatulong ang naturang programa sa kabuuang 85,213 na mga incoming grade 2 pupils at magabayan ang mga ito sa kanilang pagbabasa.
Ang Tara, Basa! Tutoring Program ng Department of Social Welfare and Development ay isang mekanismo kung saan ang mga estudyante ng kolehiyo na kwalipikado at mapipiling maging tutor ay mabibigyan ng cash assistance bilang benepisyaryo sa ilalim ng cash-for-work (CFW).
Ang tatanggaping sahod ng mga ito ay batay sa regional daily minimum wage.