-- Advertisements --

Tinataya umano ng Department of Education (DepEd) ang mas mababang bilang ng mga mag-eenroll ngayong taon bunsod ng epekto ng coronavirus pandemic sa ekonomiya.

Ito’y kahit na pinalawig na ng DepEd ang enrollment period hanggang sa Hulyo 15, upang bigyan ng tsansa ang mga hindi pa nakapapagpatala para sa School Year 2020-2021.

Ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones, hindi raw nila tinatarget na mapanatili ang 27-milyong enrollees noong nakalipas na taon dahil sa “negative growth”.

“Talagang natatamaan ang education. Sinabi na yan kagabi na magne-negative growth tayo. Malaking impact yan sa mga parents na nagpapa-aral sa private schools,” wika ni Briones.

Sa pinakahuling datos mula sa DepEd, 16.6-milyon ang mga enrolees sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa.

Sa naturang bilang, 15.8-milyon ang mga nagpatala sa mga public schools, habang mahigit 706,000 naman ang nagpa-enroll sa mga private schools.

Sinabi pa ng kalihim, posibleng dahil sa “kalayaan” sa pagpili kung kailan uumpisahan ang pagbubukas ng school year kung kaya’t mas maliit ang bilang ng mga nag-enroll sa pribadong paaralan, kasama na ang epektong pinansyal ng pandemya sa mga pamilyang pinag-aaral ang kanilang mga anak sa nasabing mga institusyon.

Kaugnay nito, inihayag naman ni DepEd Usec. Jesus Mateo na para ngayong school year, target ng gobyerno na maabot ang 80% ng bilang ng mga nag-enroll na mga mag-aaral noong nakalipas na taon.

“Pero kung titingnan natin ang ating numero sa public school, nasa 70 percent na tayo eh. Sana mas mahigit pa sa 80 percent na tina-target natin. Pero kailangan natin ipagpatuloy ang pag-convince… sa mga magulang na safe naman pumasok kasi wala namang face-to-face at may blended learning,” ani Mateo.

Una nang nanindigan ang DepEd na walang mangyaring pisikal na klase hangga’t wala pang bakuna laban sa deadly virus.