Naabot na ng Department of Education (DepEd) ang target nilang bilang ng mga enrollees halos isang buwan bago ang nakatakdang pagbubukas ng School Year 2020-2021 sa Agosto 24.
Sa pinakahuling datos na inilabas ng DepEd, pumalo na sa mahigit 22.3-million ang mga estudyanteng nagpapatala sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa.
Ang nasabing bilang ay 80% ng enrollment turnout ng 27.7-million na mga mag-aaral noong 2019.
Kung hihimayin, umabot na sa 20.8-million ang mga estudyanteng nag-enroll sa mga public schools.
Habang nasa 1.3-million naman ang mga nagparehistro sa mga pribadong eskwelahan.
Una nang sinabi ng DepEd na maaari pa ring tumanggap ang mga paaralan ng mga late enrollees hanggang sa katapusan ng Setyembre.
Batay sa kanilang Department Order 13 s. 2018, maaaring tumanggap ng late enrollees ang mga eskwelahan basta’t pasok ito sa 80% ng prescribed number ng school days.
Binigyang-diin na rin noon ng kagawaran na kanila nang inaasahan ang mababang turnout sa pangkalahatan dahil nauunawaan nila na hindi lahat ng mga magulang ay nais i-enroll ang kanilang mga anak sa paaralan sa gitna ng coronavirus pandemic.