VIGAN CITY – Mababa lamang umano ang voter turnout na inaasahan ng Commission on Elections (Comelec) para sa isasagawang Overseas Voting sa midterm election ngayong taon na magsisimula sa April 13, araw ng Sabado.
Ang overseas voting ay magtatagal ng halos isang buwan at nakatakdang magtapos hanggang sa mismong araw ng halalan sa May 13.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Comelec spokesman James Jimenez na pangkaraniwan na umano na mababa ang voter turnout tuwing midterm election kung ikukumpara sa presidential election.
Dahil dito, ngayong taon ay tanging 21% mula sa kabuuang bilang ng mga rehistradong botante sa iba’t ibang panig ng mundo kung saan isasagawa ang overseas voting ang inaasahan ng poll body.
Tiniyak ni Jimenez na naipadala na nila ang lahat ng mga gagamitin para sa overseas voting kung kaya’t handa na sila sa pagsasagawa nito sa darating na Sabado.
Ang mga lalahok sa overseas voting ay tanging mga senatorial candidates at party-list groups lamang ang kanilang pagpipilian, kung kaya’t mas maiksi ang kanilang gagamiting balota kung ikukumpara sa mga balota na gagamitin sa iba’t ibang panig ng bansa.