Binigyang-diin ng National Economic Development Authority (NEDA) na dumaan sa masusing pag-aaral ang pag-apruba kanilang board sa tariff cut sa bigas na 15% mula sa dating 35%.
Sinabi ni Sec. Arsenio Balisacan na naiintindihan nila ang pangamba ng publiko, subalit tinitiyak na hindi basta-basta ginawa ang desisyong ito.
Bago umano inaprubahan ng NEDA board ang tariff recommendation ng Committee on Tariff and Related Matters (CTRM), nagsagawa ang Tariff Commission ng malawakang konsultasyon at pagsusuri sa ilalim ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), na nagsimula noong March 2023 kung saan 801 stakeholders ang inimbitahan at 192 dito ang mula sa agriculture sector.
Layunin ng NEDA board sa tariff cut na matiyak na may access ang mga Pilipino sa masustansiya at abot-kayang pagkain, partikular na ang bigas, habang pinamamahalaan ang inflation at pinapanatili ang economic growth momentum.
Batay sa pinakahuling inflation report ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa nakalipas na tatlong buwan, nag-ambag ang bigas ng halos 2 percentage points sa headline inflation.
Sa pamamagitan aniya ng tariff cut, inaasahang mapapababa nito ang presyo ng bigas habang sinusuportahan ang domestic production sa pamamagitan ng tariff cover at pagdaragdag sa budgetary support upang mapataas ang agricultural productivity ng mga magsasaka.