-- Advertisements --

Pinapanatili ni Pangulong Rodrigo Duterte hanggang 2020 ang kasalukuyang ipinapataw na taripa sa de-boned o walang butong mga karne na chicken at pabo na inaangkat mula sa ibang bansa.

Sa ilalim ng Executive Order No. 83, sinasabing ito ay kasunod ng rekomendasyon ng National Economic Development Authority (NEDA).

Kung titignan umano ang kasalukuyang sitwasyon ng ekonomiya ng bansa, kinakailangan na panatiling mababa ang rate of duties o buwis na ipinapataw sa ilang produktong agrikultura.

Ito ay para maiwasan daw ang pagtaaas ng presyo ng mga produktong ito kapag ibinebenta na sa merkado.

Nakasaad rin sa EO na kasunod ito ng pagkakapasa ng Rice Tariffication Law na target paramihin naman ang suplay ng bigas sa bansa.

Una nang sinabi noon ng Malacañang na mas tututukan nito ang presyo ng mga produkto sa merkado at gagawa rin ng mga hakbang para mapababa ang pangunahing bilihin kasunod ng pagbilis ng inflation rate sa ilang bahagi ng 2018.