Magkahalong batikos at pagsang-ayon mula sa publiko ang inaani ng police/model/actor na si Neil Perez matapos nitong depensahan ang Philippine National Police (PNP) kaugnay ng kontrobersiya sa pagpatay ng kabaro niyang si Jonel Nuezca sa mag-inang kapitbahay nito sa Paniqui, Tarlac.
Nag-post kasi online ang tinaguriang “guwapulis,” ng art card ng silhouette ng isang pulis habang nakatayo nang tuwid with matching caption na nagsasabing “hindi raw silang lahat na naka-uniporme at may tsapa ang pumatay,” kasunod ang nasa 13 male cop na emojis.
Tila mensahe niya ito sa kanyang mahigit 100,000 followers na huwag husgahan ang buong puwersa ng PNP sa naging pagkakamali ng kasamahan nilang si Nuezca.
May sumuporta sa kanya na mayroon pa rin naman ang mga matitinong pulis, ngunit may mga umalma rin sa pagiging insenstive raw nito.
Sunod namang nag-post ng art card si Perez sa tinatawag na IG stories kung saan tampok doon ang caricature ng mag-inang Sonya at Anthony Gregorio, gayundin si Nuezca kasama ang anak nitong babae.
Pirmado ng “ShaiXArt” ang art card, kung saan makikitang nakangiti ang mag-inang Gregorio at mag-amang Nuezca.
Sa art card, magkasundong nagkakamay sina Anthony at Nuezca.
Makabuluhan ang mga naka-capital words sa art card na “WHAT IF” na tila pahiwatig na mas maayos sana ang kinahinatnan ng komprontasyon nina Anthony at Nuezca kung mahinahon silang nagkausap tungo sa pagkakasundo sa bandang huli.
Ang 35-anyos na si Neil Perez o Mariano Perez Flormata Jr., sa tunay na buhay, ay isang Police Staff Sergeant sa PNP-Aviation Security Group at kasalukuyang nakatalaga sa police station sa Ninoy Aquino International Airport -Terminal 3 sa Parañaque City.
Siya rin ang first ever Pinoy na na tinanghal bilang Mister International noong 2014 na ginanap sa South Korea.