Puspusan na rin ang ginagawang preparasyon ng lalawigan ng Tarlac ilang linggo bago ang pormal na pagbubukas ng 2019 Southeast Asian (SEA) Games sa Nobyembre.
Nasa Tarlac kasi partikular sa bayan ng Capas ang New Clark City na isa sa mga pangunahing venue ng naturang regional sports meet kung saan host country ang Pilipinas.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo sa gobernador ng Tarlac na si Susan Yap, kabi-kabila ngayon ang pulong ng iba’t ibang mga sektor upang matiyak ang kahandaan ng probinsya sa oras na mag-umpisa na ang SEA Games.
“We’re only six weeks away, we’re doing what we can going over,” wika ni Yap.
Hindi lamang din aniya nakatutok lamang sa mismong SEA Games ang kanilang paghahanda dahil ilang linggo rin bago ang biennieal showpiece ay magkakaroon pa ng test events sa New Clark City.
Sa nasabing test events sa athletics at aquatics, inaasahang lalahok ang mga atleta mula sa ibang mga bansa gaya ng Thailand at Malaysia.
Naniniwala naman si Yap na malaki ang maitutulong sa kanilang lalawigan ng pagiging isa sa mga main venues ng SEA Games.
“For the first time, at least nakikilala na ang Tarlac. May rason nang pumunta ang mga tao not only for sports but because Tarlac is beautiful. It’s more than just agricultural,” ani Yap.