Nilinaw ni Philippine Coast Guard Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na wala siyang kinakampaniyang mga kandidato sa kaniyang naging pahayag na iwasang bumoto sa mga politikong pro-China advocates.
Sa kaniyang naging pahayag sa isa sa kaniyang social media accounts, mukha umanong nagbibigay ng reaksyon ang dating mamamahayag na si Jay Sonza sa kaniyang mga naging paalala sa publiko tungkol sa kung sino dapat ang iluklok sa posisyon.
Paglilinaw ni Tarriela, ang kaniyang mensahe ay para makapagbigay ng paalala sa mga pilipinong botante na maging mapanuri sa kanilang mga iboboto.
Aniya, mahalaga rin umano na pumili ng mga kandidatong hindi ilalagay sa panganib ang kanilang laban sa West Philippine Sea at susuporta sa annual budgets ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na siyang ginagamit sa mga ikinakasang operasyon sa WPS.
Samantala, nanaindigan naman si Tarriela na wala siyang ineendorsong kandidato at nanghihikayat lamang na bumoto ng tama at isaalang-alang ang kanilang mga nagawang hakbang para mapanatili ang soberanya sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.