-- Advertisements --
Tarsiers

KORONADAL CITY – Pinakawalan at muling ibinalik sa kanilang natural habitat sa Sitio Lower New Leyte, Barangay Topland, Koronadal City ang nasagip na tarsier ng mga residente sa lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Roland Lacanaria, ecosystem management specialist 2 ng DENR-South Cotabato, lumalabas sa kanilang natural habitat ang mga tarsier dahil sa pagbabago ng panahon lalo na ang sobrang init.

Posible rin umano na naghahanap ng makakain ang tarsier kaya’t nakita ito ng mga residente.

Kasabay nito, nagbabala naman ang DENR na huwag hulihin ang mga endangered species gaya nito upang mapangalagaan at manatili sa kakayuhan.

Matatandaan na sa Sitio Simsiman, Barangay Tomado, Aleosan ay may mag-ina na pinakawalan din ang tarsier.