Tinitingnan ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang yate na umano’y ginamit nina dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa kanilang pagpuslit palabas ng Pilipinas.
Tugon ito ni NBI Director Jaime Santiago sa isang pulong balitaan nang matanong kaugnay sa kanilang ginagawang pakikipag-ugnayan sa local yacht clubs hinggil sa naturang usapin.
Kaugnay rin nito ayon kay Dir. Santiago, bumuo na ang NBI ng “Task Force Alice Guo,” na siyang sumusubaybay sa lahat ng developments may kinalaman sa dating alkalde.
Maaalala sa muling pagharap ni Alice Guo o Guo Hua Ping sa pagdinig ng Senado noong Lunes, sinabi niyang umalis sila ng Pilipinas gamit ang mga bangka kung saan una nilang sinakyan ay isang yate sa Metro Manila.
Gayunpaman, tumanggi si Guo na ibunyag sa publiko ang pangalan ng taong nag-facilitate sa kanilang pagsakay sa yate at ang may-ari nito.
Tila tugma naman ito sa nauna ng testimoniya ni Sheila Guo na kasama ni Alice na tumakas palabas ng bansa.
Sa pagdinig sa Senado noong Agosto 27, sinabi ni Sheila sa mga Senador na nagpalipat-lipat sila ng sinakyang bangka hanggang sa makalabas ng bansa.