-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY -Sinampahan ng kasong sibil ang bumubuo sa Task Force Bangon Marawi at maging ang alkalde ng Marawi City Atty Majul Gandamra ng grupong Go Right Foundation Incorporated sa piskalya ng Lanao del Sur.

Ito ay matapos gusto ng grupo na ipag-utos ng Pangulong Rodrigo Duterte kay Task Force Bangon Marawi chairman Secretary Eduardo del Rosario na pabalikin na ang apektadong residente na hindi pa pinayagan makapasok sa most affected area (MAA) na pinangyarihan ng limang buwan na engkuwentro ng state forces at grupong Maute-ISIS noong taong 2017.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Atty Salic Dumarpa na nais rin nila na ipag-utos ni Duterte sa task force na hindi na itutuloy ang pagtatayo ng karagdagang military camp sa loob ng syudad dahil namimiligro lamang umano sila lalo.

Iginiit ni Dumarpa na sapat na ang 103rd Infantry Batallion,Philippine Army katuwang ang PNP sa kanilang seguridad laban sa mga terorista sa loob ng lungsod.

Samantala, iginiit naman ni Del Rosario na pagpigil laban sa posibleng panibagong terror attack ang pagpapatayo ng military satellite sa loob ng business center ng Marawi City.

Ito ang pag-depensa ng kalihim kung bakit kailangang mai-posisyon ang military satellite na nasa direkta na pangangalaga ng 103rd IB,Philippine Army para hindi makabasta-basta ang sinumang armadong grupo na gagawa na naman ng mga panggugulo na katulad sa Marawi seige na dahilan isinailalim sa batas-militar ang Mindanao sa tatlong taon.