CENTRAL MINDANAO- Nagsagawa ng surprise inspection and monitoring ang binuong Task Force Bantay Karne ng Local Government Unit ng Midsayap (LGU-Midsayap) katuwang ang National Meat Inspection Service (NMIS).
Nilibot ng mga ito ang mga meat vendors sa Bagsakan Public Market, grocery and convenience stores, at iba pa.
Sa kanilang pag-iikot, napansin ng mga ito na ilan sa mga meat vendors ay walang Meat Inspection Certificate (MIC) na isa sa mga iniisyu ng LGU-Midsayap upang malaman na dumaan ang karne sa inspeksyon at bilang patunay na din na ito ay ligtas at mabuti ang kalidad.
Kasabay nito, nagpaalala din ang Task Force Bantay Karne sa mga ito na sumunod sa mga panuntunan para sa maayos na waste disposal na importante para sa environmental at public health sa bayan ng Midsayap.
Magpapatuloy naman ang Task Force Bantay Karne sa ginagawang surprise inspection and monitoring upang mabantayan ang pagsunod ng mga meat vendors sa kanilang mga paalala.
Matatandaan na tatlong Sitios sa Magpet Cotabato ang tinamaan ng African Swine Fever dulot ng Processed meat na Chorizo.
Nangangamoy na umano ito at imbes na tinapon ay ipinakain ito sa mga alagang baboy o tinatawag na “LAMAO”.
Isa rin sa mga rason kung bakit hindi aniya namonitor ang pagpasok ng processed foods ay inorder ito online at pinapadala sa mga forwarders dahilan para hindi maharang.
Umaabot sa 119 alagang baboy ang sinunog at inilibing sa bayan ng Magpet na mga kawani ng Provincial Veterinary office para hindi na kakalat pa ang Virus.