-- Advertisements --

Naniniwala si Department of Human Settlements and Urban Development Secretary at Task Force Bangon Marawi chief Eduardo Del Rosario na sapat ang P5-bilyong inilaan para sa rehabilitation projects sa lungsod ng Marawi.

Pero ayon kay Del Rosario, nag-request sila ng karagdagang P1-bilyon para sa non-infrastructure projects tulad ng pangkabuhayan at iba pang social service interventions.

Ilalagak aniya ang naturang pondo sa ilalim ng National Disaster Risk Reduction and Management Fund at bukod mula sa proposed P5.4-bilyong budget ng DHSUD at mga attached agencies nito para sa susunod na taon.

Sinabi naman ni Sen. Risa Hontiveros, na sponsor ng budget ng housing sector, sa P60-bilyong indicative rehabilitation cost para sa Marawi, P36.1-bilyon na ang nailabas.

Paglalahad pa ng senadora, kumpiyansa si Del Rosario na sapat ang P6-bilyon para maabot ang target date ng pagsasaayos ng imprastraktura sa Marawi pagsapit ng Disyembre 2021.

“The Secretary was showing me the estimates for the damage and losses, those came to a total of P17 to P18 billion but in Task Force Bangon Marawi’s desire to build back better, they raised their indicative target to P60 billion,” wika ni Hontiveros.

“Ayon po sa good secretary, kung maabot na po natin ‘yung running total of P41 billion sa appropriated funds sa year 2021, sa tantya po nila ay sasapat na ito,” dagdag nito.

Samantala, sa nasa 17,000 pamilyang Maranao na nawalan ng tirahan, nasa mahigit 2,000 ang nag-apply para simulan ang pagtatayong muli ng kanilang mga bahay sa itinuturing na most affected area.

Sa ngayon, nasa 400 pamilya ang nagsimula na sa reconstruction ng mga nasira nilang tirahan.