Pinawi ng Task Force El Niño ang pangamba ng publiko sa krisis sa tubig sa Metro Manila.
Ayon sa government task force mayroong higit sa sapat na suplay ng tubig sa rehiyon sa kabila pa ng epekto ng El Nino phenomenon sa mga reserbang tubig sa capital region habang ang alokasyong itinakda mula noong Enero para sa Mayo 1 hanggang 15 ay ibibigay pa rin base sa schedule.
Ayon kay Environment USec. Carlos Primo David, ang alokasyong tubig na itinakda ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System para sa unang parte ng Mayo ay nasa 50 cubic meters per second. Ito at 2 cubic meters per second na mas mataas kumpara noong nakalipas na taon.
Paliwanag ng opisyal na tinaasan ang alokasyong tubig para sa Metro manila dahil lumalaki ang bilang ng mga komokonsumo kada indibidwal sa rehiyon gayundin ang demand sa Bulacan.
Pagdating naman sa kailangan para sa irigasyon sa bansa, sinabi ng opisyal na makakakuha ang mga magsasaka ng kabuuang alokasyon na 24 cubic meters per second sa pamamagitan ng National Irrigation Administration simula sa Mayo na huling buwan ng cropping season.
Sinabi din ni David na determinado ang task force na mapigilang maulit ang water crisis na naranasan sa rehiyon noong 2019.
Iactivate din ang iba pang outlet kung saan dadaloy ang tubig sa mas mababang lebel.
Samantala, siniguro din ng opisyal na ipagpapatuloy ng pamahalaan na humanp ng iba pang mga solusyon para makatulong na mabawasan ang epekto ng El Nino.