Inilunsad ngayon ng Commission on Elections (Comelec) ang “Task Force Kontra Bigay” para sa nalalapit na halalan sa Mayo 13.
Layon nitong mapigilan ang vote buying sa halalan.
Binunuo ang naturang Task Force ng Comelec, PNP, Department Interior and Local Government (DILG) at National Bureau of Investigation (NBI).
Pinangunahan ni Comelec Commissioner Al Parreño ang paglulunsad ng Comelec Task Force Kontra Bigay na siya ring magsisilbing chairman nito.
Ipinakita naman ni DILG Usec. Jonathan Malaya, ang template na available para sa mga nagnanais na maghain ng pormal na reklamo ng vote buying.
Aminado naman ang Comelec na talagang mahirap patunayan ang mga reklamo ng vote buying kaya sa kasaysayan ng halalan ay wala pa ring napaparusahang sino mang pulitiko namili ng boto o sino mang botante na nagbenta ng kanyang boto.
Sa ngayon ayon kay Comelec Director John Rex Laudiangco, may 10 nang reklamo ng vote buying para sa 2019 midterm elections.
Kaugnay nito, hinikayat ng Task Force Kontra Bigay ang sino mang may matibay na ebidensiya ng vote buying na maghain ng reklamo.
Tiniyak din nito na walang bayad ang paghahain ng reklamo sa Comelec.