-- Advertisements --

Pormal nang bumuo ng task force ang Commission on Elections (Comelec) laban sa fake news at disinformation.

Tatawagin itong Task Force Kontra Fake News na binubuo ng iba’t-ibang Comelec officials, at chairman at vice chairman na kapwa mga commissioners.

Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, layunin nito na alisin ang anumang pagtatangka ng sinuman na sirain ang kredibilidad ng electoral process.

Paglilinaw ni Garcia, ang naturang task force ay binuo para lamang para sugpuin ang mga institusyon na sumisira sa integridad ng komisyon at nagpapakalat ng maling impormasyon at hindi ito laban sa sinumang sumasalungat o bumabatikos sa Comelec.

Sa tulong ng pinagsamang pwersa ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) anti-cybercrime unit ay tutuntunin ng nasabing task force ang sinumang mapapatunayang guilty dito at sasampahan ang mga ito ng kaso laban sa kanila.

Sa ngayon ay binabalangkas pa ng komisyon ang mga panuntunan sa ilalim ng task force at wala pang ini-aanunsyo kung sino ang mamumuno dito.