Tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na sapat ang puwersa na kanilang idedeploy para sa National Day of Protest sa Huwebes, Setyembre 21.
Ayon kay PNP Spokesperson C/Supt. Dionardo Carlos, nakahanda na ang kanilang puwersa sa nakatakdang kilos protesta sa nasabing petsa na siya ring anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Pangungunahan ng Manila Police District (MPD) ang pagbibigay seguridad kung saan kanilang ia-activate ang Task Force Manila Shield.
Sinabi ni Carlos na sa Luneta inaasahan ang malaking pagtitipon hindi lang ng mga kontra sa Martial Law, kundi mga kritiko rin ni Pangulong Rodrigo Duterte.
May mga nakalatag na rin aniyang security measures ang National Capital Region Police (NCRPO) at maging ang Directorate for Operation (DO) ng PNP.
Inihayag din ni Carlos na nasa desisyon na ng NCRPO kung kailangan pa nila ng augmentation force mula sa iba pang regional police office.
Tiniyak nito na paiiralin nila ang maximum tolerance pero kapag lalabag sa batas ang mga raliyista, kanilang ipapatupad ang batas.
“They will be preparing their implementing plan, we will look who will conduct activities, we’re confident that the protesters will police themselves, we appeal to them not to commit crime
maximum tolerance will be there but we will not tolerate crime,” wika ni Carlos.