Inirekominda ng ilang kongresista ang pagbuo ng task force na sasala sa listahan ng mga posibleng makalayang bilanggo sa bisa ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.
Sa isang pulong balitaan sa Kamara, sinabi nina ACT-CIS party-list Rep. Nina Taduran at CWS party-list Rep. Romeo Momo na kailangang mabusisi nang husto ang kaso ng mga bilanggong nag-apply sa GCTA bago sila payagang makalaya ng mas maaga sa kanilang sentensya.
Ayon kay Taduran, manggagaling sa iba’t ibang sektor ng lipunan ang magiging miyembro ng bubuuing task force.
Anuman ang mapagdesisyunan ng grupong ito ay kailangang maiakyat muna sa kalihim ng Department of Justice (DoJ) o sa pangulo ayon naman kay Momo.
Kailangan din aniya na mailatlahala sa mga pahayagan ang pangalan ng mga papalayaing bilanggo sa bisa ng GCTA.
Sa ganitong paraan umaasa ang dalawang kongresista na maiwasan ang abuso sa naturang batas at gayundin ang sinasabing “freedom for sale.”