Nagbabala si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., chairperson ng Task Force El Niño ng gobyerno, na hahabulin ng mga awtoridad ang mga hoarder at manipulator na bumibiktima sa mga mamimili habang naghahanda ang bansa para sa La Niña phenomenon.
Sa pagpupulong ng presidential task force sa Camp Aguinaldo nitong nakaraang buwan, sinabi ni Teodoro na handa ang Department of National Defense (DND) na magbigay ng suporta sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno sa price monitoring ng basic necessities and prime commodities.
Aniya, ang pagsugpo sa price manipulation at pagpapanagot sa mga hoarder ay isa sa mga prayoridad sa pagtugon ng gobyerno para sa La Niña, na inaasahang magsisimula sa Hunyo.
Binigyang-diin din ni Teodoro ang pangangailangan na paigtingin ang monitoring sa presyo at suplay sa mga pamilihan para maprotektahan ang mga mamimili mula sa profiteering sa gitna ng weather phenomenon.
Noong nakaraang linggo, nauna nang inatasan ni Teodoro ang Task Force El Niño na simulan ang paghahanda para sa posibleng pagsisimula ng La Niña phenomenon sa susunod na buwan.
Nauna na ring inihayag ng state weather bureau na ang bansa ay nasa “weak El Niño” stage na, at maaaring matapos na ang weather phenomenon sa Hunyo.
Dahil dito, hinimok ng stage weather bureau ang publiko na maghanda para sa La Niña, lalo na sa mga lugar na madalas bahain.