CAGAYAN DE ORO CITY – Ipinagmalaki ng Task Force Bangon Marawi (TFBM) ang ginawa nilang clearing operation sa hindi sumabog na mga bomba na bumagsak sa lokasyong pinagtaguan ng Maute-ISIS terrorists sa pinakaapektadong area ng Marawi City, dalawang taon na ang nakalilipas.
Narekober na kasi ang lahat ng unexploded bombs na nakapagpatagal sa pagsisimula ng physical rehabilitation sa main battle area ng lungsod.
Sinabi sa Bombo Radyo ni TFBM chairman Sec. Eduardo del Rosario, hudyat na raw ito sa tuloy-tuloy na pagbangon ng Marawi.
Ginawa ni Del Rosario ang pahayag kasunod ng paggunita sa ikalawang taon ng pagpapalaya sa Marawi mula sa kamay ng mga terorista ngayong araw.
Katunayan, nagsagawa pa ng run for peace mismo sa main affected area upang ipakita na ligtas nang mapapasok ng internally displaced persons (IDPs) ang lugar.
Magugunitang nasa 168 na miyembro ng state forces ang nasawi bago tuluyang masupil ang mga terorista sa Marawi.