Opisyal nang pinasinayaan nitong araw ng Lunes ng Philippine National Police (PNP) ang Task Force Safe Elections 2018 na siyang mangangalaga sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Mayo 14.
Kasabay nito, inilunsad din ang national day of prayer at declaration of the state of readiness ng mga government forces sa pagbibigay-seguridad sa halalan.
Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, sa 190,000 police force, nasa 70 hanggang 80 percent ang kanilang ipakakalat sa iba’t ibang polling precincts sa buong bansa.
Base sa pagtaya ni Albayalde, wala naman itong nakikitang problema ngayon lalo na sa pagpapatupad ng seguridad.
Ito’y kahit limang taon na ang nakalipas mula nang huli silang humawak ng halalang pambarangay.
Kinumpirma din ni Albayalde na isinailalim na sa Commission on Elections (Comelec) control ang probinsiya ng Masbate kung saa magkakaroon ito ng sariling Special Operations Task Group Masbate.
Una nang sinabi ng PNP na kanilang ide-deploy ang puwersa ng PNP-Special Action Force para tumulong sa pagmando ng seguridad kasama ang AFP.
Isinailalim sa Comelec controlled areas ang lalawigan dahil sa mayroong intense political rivalry, presensya ng private armed groups, aktibidad ng mga criminal gangs, pagkalat ng loose firearms at mayroon din aniyang mga threat groups sa lugar.
Tiniyak naman ni Albayalde na “all systems go” na ang PNP sa nalalapit na halalan.
Aniya, maaga ang gagawin nilang deployment ng kanilang mga police personnel para masiguro na maayos at mapayapa ang eleksyon.