CENTRAL MINDANAO – Patuloy sa pagsundo ang lokal na pamahalaan ng Kabacan, Cotabato sa mga residente ng bayan na stranded sa ibang lalawigan.
Kaugnay nito, walo pang mga residente ang nasagip mula sa General Santos City at dalawang residente rin mula sa Negros ang sinundo ng Kabacan Municipal Disaster Risk Reduction Management Office.
Ayon kay Kabacan Mayor Herlo Guzman Jr, idadaan pa rin sa 14-day quarantine ang mga stranded sa ibang lugar sa bansa base sa regulasyon at protocol ng Department of Health (DOH) at Department of Interior and Local Government (DILG).
Hinimok din nito ang mga stranded na makipag-ugnayan sa Sagip Stranded North Cotabateño Facebook Page.
Sa mga na-stranded na Cotabateños ay maaring i-text lamang ang Task Force Sagip hotline 09615783048 for 3rd District, 09518266356 for 2nd District at 09518266358 for 1st District.
Sasagutin ng mga kongresista sa tatlong distrito ang gastusin sa kanilang mga pangangailangan katuwang ang DSWD-12 at iba pang sangay ng pamahalaan.
Sa panig naman ng mga stranded na OFWs, mahigpit na ipatutupad sa mga ito ang mga health protocol alinsunod sa National Guidelines kabilang na rito ang pagpresenta ng health clearances mula sa OWWA.
Ang pagsasailalim sa kanila sa isolation ay case-to-case basis at depende sa kanilang sitwasyon.
Nilinaw naman ni Mayor Guzman Jr na ang lokal na pamahalaan ng Kabacan ay mga isolation facility nang inihanda at tutulungan rin nila ang mga stranded na ka-unlad.