-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagtatag na ng special investigation task group (SITG) ang North Cotabato Police Provincial Office kasunod ng pananambang sa siyam na katao sa bayan ng Kabacan, North Cotabato.

Ito ang inihayag ni North Cotabato Police Provincial Director Col. Henry Villar sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal, kung saan inatasan na sila ni PNP-12 Regional Director BGen. Michael John Dubria na tutokan ang nasabing kaso upang maresolba ito.

Ayon kay Villar, patuloy ang pangangalap nila ng mga impormasyon laban sa mga suspek at inaalam ang motibo sa naturang krimen.

Mariin rin nilang kinokondena ang nangyari at tiniyak na mananagot ang mga gumawa nito.

Matatandaang bumibiyahe ang mga biktima sakay ng kanilang mga motorsiklo sa bahagi ng USM granary and machinery sa Barangay Poblacion sa naturang bayan nang hinarang sila ng mga armadong suspek at pinagbabaril.

Dead on the spot ang mga biktima na sina Kors Salilangan, Sandigan Zailon, Benladin Dimanalao, Romeo Balatamay, Katindig Kagayawon, kag Fahad Mandigan, pawang mga residente sa bayan ng Kabacan; Budsal Lipusan ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao; at Musaid Jaiden sa bayan ng Midsayap, North Cotabato.

Habang nasawi naman sa bahay-pagamutan ang isa pang biktima matapos nasugatan sa naturang pamamaril.