Sinigurado ng Zamboanga del Norte taskforce na mahaharap sa kaukulang kaso ang sinumang mapaptunayang nagpapakalat ng maling impormasyong may kinalaman sa COVID19 na nagiging dahilan ng panic at takot ng publiko.
Ito ang inihayag ng taskforce matapos kumalat ang balitang mayroon umanong nagpositibo na sa virus sa syudad ng Dipolog at sinabing narinig ang balitang ito mula sa isang local radio station sa lugar.
Napag-alaman na noong lunes pumutok ang bali-balitang may 14 na nagpositibo sa virus na mariin namang pinabulaanan ng taskforce dahil wala pa umanong lumabas na resulta mula sa ipinadala nilang mga specimen sample.
Sa isang press conference, sinabi ni Atty. Goldie Gonzales Provincial Information Officer na kasalukuyan na umanong nagsasagawa ng imbestigasyon ang LGU Dipolog sa isang estasyon ng radyo kung saan narinig ang balita.
Sa ngayon ay pinag-aaralan pa umano ang gagawing hakbang hinggil sa mga responsable sa pagpapakalat ng maling impormasyon.
Kung mapapatunayang lumabag sa RA 11469 o Bayanihan to Heal as one Act ay pwede umanong makulong ang isang indibidwal ng dalawang buwan o pagmumultahin hindi bababa sa P10,000.00.