Humahagulhol na nakiusap kay Pangulong Rodrigo Duterte ang ina nang pinatay na flight attendant na tulungan silang makamit ang hustisya.
Ginawa ni Sharon Dacera, ina ng biktima na si Christine “Ica” Dacera, 23, ang apela kasabay ng kanyang pagharap sa isang press conference sa San Juan City.
Liban sa Pangulong Duterte, nanawagan din si Mrs. Dacera sa presidential daughter na isa rin daw ina si Davao Mayor Sara Duterte na tulungan sila sa kanilang laban.
Sa kanyang emosyunal na panawagan sinabi ni Mrs. Dacera, ayaw niyang mangyari sa iba pang babae ang naranasan ng kanyang anak na tinawag niyang “brutal” at “barbaric” ang pagpatay.
“Tatay Digong tulungan niyo po kami. Ordinaryo lang po akong tao. Ma’am Sara Duterte nanay ka rin may anak ka rin na babae. That is why I want to come out in the open because I don’t want somebody to be a victim again by this kind of brutality barbaric,” bahagi pa nang napaiyak na pagsasalita ni Gng. Dacera. “Binaboy niyo ang anak ko. Ayokong may mangyari ulit diyan na isang babae na bababuyin niyo ulit. Kaya lalabanan ko ang laban nitong anak ko.”
Todo rin naman ang pasalamat ng mga Dacera sa pangakong tulong ng ilang personalidad kasama na ang hakbang ni Rep. Eric Go Yap na magbibigay ng P100,000 bilang reward money sa paghuli sa iba pang mga suspek.
Si Sen. Manny Pacquiao na kababayan ng mga Dacera sa GenSan ay nag-anunsiyo rin ng P500,000 na pabuya laban sa mga suspek.
Para naman kay Mrs. Dacera, liban sa tatlong naunang naaresto dapat daw na lumantad na ang pito hanggang walong iba kung talagang wala silang kasalanan.
Ayon naman sa spokesperson ng pamilya na si Atty. Brick Reyes, kinukuwestiyon nila ang pagpalaya raw ng PNP Makati sa isa sa mga suspek.
Una nang ipinagharap ng reklamo ng pulisya sina John Pascual dela Serna III, 27; Rommel Daluro Galido, 29; at John Paul Reyes Halili, 25, ng kasong rape at homicide bilang mga provisional charge na inihain sa Prosecutor’s Office sa Makati City nitong nakalipas na Lunes.
Inamin naman ni Reyes na pinag-aaralan ng pamilya Dacera kung dapat bang kasuhan din ang City Garden Grand Hotel na pumayag na mag-check-in ang mahigit 10 katao na isa umanong paglabag sa patakaran ng IATF.
Ang naturang hotel ay pinagpapaliwanag na rin ng DOT-NCR kung bakit hindi dapat suspendihin ang kanilang operasyon.
Nakasaad sa show cause order na ang isang hotel na inilaan sa quarantine ay hindi dapat gamitin sa staycation o leisure accomodation lalo na sa mga nasa GCQ areas.
Samantala iniulat naman ni Atty Paolo Tuliao, isa pa sa mga legal counsel ng pamilya Dacera, hinahangad nilang magkaroon ng independent post mortem examination ang bangkay ni Christine sa isang medico legal officer.
Hindi raw kasi sila naniniwala sa initial findings ng PNP SOCO na namatay si Ica bunsod ng aneurysm samantalang may abrasion at hematomas ang biktima sa ilang bahagi ng katawan.
Panayam naman ng Bombo Radyo sa isa rin sa abogado ng mga Dacera na si Atty. Jose Ledda III, bumuwelta ito sa pagkalat sa ilang social media na si Christine pa ang nasisisi.
Dapat daw tigilan na ang “victim blaming attitude” dahil may nawalang buhay.
Ang PNP ay una na ring naglabas ng iba pang mga pangalan na nakasama umano ni Christine sa hotel na pawang pinaghahanap ngayon.
Kinilala ang mga ito na sina Gregorio Angelo de Guzman, Louie de Lima, Clark Jezreel Rapinan, Rey Englis, Mark Anthony Rosales, Jammyr Cunanan, Valentine Rosales, isang Ed Madrid at isa pang nagngangalang “Paul.” Napag-alaman naman na ang hotel manager ay nakasama rin daw sa party noong madaling araw ng Jan. 1 dahil kabigan ito ng biktima.
Si De Guzman naman ay lumantad na rin, at anak pala ito ng dating jukebox queen na si Claire dela Fuente upang itanggi ang isyu na kasama siya sa nag-abuso kay Christine.
Ipinaggitgitan ni Ms. Dela Fuente, hindi raw ito magagawa ng kanyang anak dahil matagal na niya itong alam na isang gay.
Samantala, naglabas naman ng ultimatum si PNP chief General Debold Sinas sa mga suspect sa Dacera killing na sumuko na ang mga ito sa loob ng 72 oras.
“This is a fair warning. Surrender within seventy-two (72) hours or we will hunt you down using force if necessary.”
Ang PAL Express kung saan nagtatrabaho si Christine ay naglabas naman ng statement.
“PAL Express mourns the tragic death of Christine Angela Dacera last January 1 during New Year revelry in Makati City,” bahagi pa ng statement ng airline company. “She was an upstanding and professional PAL Express crew member who will be sorely missed by her colleagues and friends.”