Umaasa ang mga opisyal ng Team Philippines na kanila nang mapapangalanan ang posibleng tatayong flag-bearer ng delegasyon ng bansa sa darating na 30th Southeast Asian (SEA) Games sa lalong madaling panahon.
Una nang inilabas ang shortlist ng posibleng maging flag bearer ng bansa na binubuo nina Hidilyn Diaz ng weightlifting, Margielyn Didal ng skateboarding, pole vaulter na si EJ Obiena, Eumir Marcial ng boxing, at gymnast na si Carlos Yulo.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Deputy Chef de Mission Stephen Fernandez, posible raw na sa susunod na dalawang linggo ay maisasapubliko na nila ang magbibitbit ng watawat ng bansa sa opening ceremony ng SEA Games.
Inihayag pa ni Fernandez na kanila ring ikinokonsidera ang pagpaparada sa lahat ng mga nabanggit na atleta bilang mga flag bearers.
“Nabanggit sila dahil they have given credit and they have givin honor sa ating bansa sa mga past competitions nila [na] mga world level,” wika ni Fernandez.
“Mga world class talaga itong athletes natin na mga ito so sila ‘yung na-shortlist.”
Gayunman, posibilidad pa lamang aniya ang lahat ng ito at kanila raw itong isasapinal sa susunod nilang pagpupulong.
Dagdag pa ng opisyal, si Philippine Sports Commission Chairman William “Butch” Ramirez na raw ang mag-aanunsyo sa sandaling nakabuo na raw sila ng desisyon, bilang siya ang chef de mission ng Philippine delegation.
Matatandaang laman ng mga balita kamakailan ang lima kung saan si Diaz, na silver medalist noong 2016 Rio Olympics, ay nakasungkit ng bronze sa IWF world championships sa Pattaya, Thailand; at si Marcial ay sumuntok ng pilak sa AIBA world championships sa Ekatenrinburg, Russia.
Dinomina ni Obiena ang isang tournament sa Italy noong nakalipas na buwan, habang nakatakdang sumalang sa world gymnastics championships si Yulo sa darating na weekend sa Stuttgart, Germany.
Samantalang si Didal, na 2018 Jakarta Asian Games gold medalist, ay nasa kalagitnaan naman ng qualifying process para sa Olympics.