DAVAO CITY – Naretrieve na ang bangkay ng tatlong mga biktima na natabunan ng gumuhong lupa sa kasagsagan ng walang humpay at malakas na pag-ulan kahapon sa Maragusan, Davao de oro.
Kinilala ang mga biktima na sila Ananias Andoy, limampot anim na taong gulang, Virginia Buhian, limampot siyam na taong gulang at Jerlyn Lada, dose anyos na pawang mga residente ng Purok Buongon, Sitio Saranga, Barangay Poblacion sa Lungsod sa Maragusan.
Inihayag ng Maragusan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, sa ngayon patuloy pa rin ang kanilang retrieval operation upang mahanap ang isa pang lalaki na hanggang ngayon ay missing na nakilala lamang sa pangalang Felipe.
Samantala, batay sa pinaka-huling tala ng Office of the Civil Defense 11, nasa 22,875 naman ang apektado sa pagbaha at landslide mula sa pitong mga barangay ng Davao de oro, walong mga barangay sa Davao oriental at dito sa Lugsod ng Davao.
Ang mga apektadong Barangay ng Davao De oro ay kinabibilangan ng Compostela, Monkayo, New Bataan, Maragusan, Montevista, Nabunturan, at Pantukan. Samantala sa Davao Oriental naman ay kinabibilangan ng Cateel, Caraga, Boston, Governor Generoso at Mati City.
Inihayag ni Franz Irag, OCD XI Operations Section Chief, sa ngayon tatlong mga kalsada sa Davao de oro at tatlo naman sa Davao Oriental ang hindi pa madaanan dahil sa landslide at pagbaha.