Iniulat ng pulisya na Tatlo pang mga persons of interest sa kaso ng pagkamatay ng chemical engineering student na si John Matthew Salilig ang may balak na ring sumuko sa mga otoridad.
Ito ay sa gitna pa rin ng gumugulong na imbestigasyon ng pulisya hinggil sa pagkamatay ni Salilig nang dahil matinding tinamo nito sa initiation rites o hazing sa kamay ng isang fratertiny.
Ayon kay Laguna Provincial Police director Police Colonel Randy Silvio, mayroong tatlong persons of interest pa ang lumapit sa kanilang tanggapan upang magtanong kung papaano ang magiging proseso para sumuko.
Aniya, inabisuhan naman ang mga ito na magtungo lamang sa Biñan City Police Station o sa anumang police station na malapit sa kanila na mag e-escort sa kanila papunta sa Biñan City Police na siyang may hawak ng nasabing kaso.
Sa bukod naman na pahayag ay sinabi ni Biñan City Police acting chief Police Lieutenant Colonel Virgilio Jopia na nakuha na nila ang mga address ng natitirang persons of interest sa nasabing kaso.
Sa oras aniya na mag-surrender ang mga ito ay agad nilang isasailalim ito sa imbestigasyon upang tignan ang kanilang criminal liability o criminal extent sa naging partisipasyon nila sa naturang kaso.
Samantala, sa ngayon ay mayroon pang 10 person of interest sa hazing case ni Salilig, pito sa mga ito ay nasa kustodiya na pulisya.