Tatlo katao ang patay, samantalang apat naman ang sugatan sa shooting incident sa Los Angeles, ito ang ika-apat na naitalang pamamaril sa buong linggo sa California.
Nangyari ang nasabing pamamaril sa labas ng Beverly Hills sa Beverly Crest Community nitong sabado.
Ang tatlong namatay raw ay binaril sa loob ng sasakyan samantalang ang apat na sugatan ay nasa labas ng kani-kanilang mga bahay.
Nakatanggap raw ng unang report ang kapulisan ng patungkol sa “assault with a deadly weapon.”
Bandang 2:35 ng madaling araw ay rumesponde ang Los Angeles Fire Department at doon ay nadatnan nila ang tatlo kataong patay at dalawang sugatan.
Agad na isinugod sa ospital ang dalawang nakita na mga biktima sa pinangyarihan ng insidente samantalang ang dalawa pang sugatan ay nauna nang pumunta sa pinakamalapit na ospital.
Sa ngayon raw ay nasa critical condition ang apat na biktima sa nangyaring pamamaril.
Matatandaan na simula noong Enero 21, mayroon ring naganap na pamamaril sa Monterey Park, sa metro Los Angeles at nakapagtala ng 11 kataong namatay.
Kasunod nito ay ang namatay namang 7 katao sa insidenteng nangyari sa Half Moon Bay ng northern California.
Samantala, oras lang ang pagitan at may limang nabaril naman sa Oakland na naging dahil ng pagkamatay ng isang lalaki.