Tuloy na tuloy ang ikakasang tigil-pasada ng grupong Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide o PISTON sa buong bansa sa darating na Lunes, Nobyembre 20, 2023.
Sa kabila ito ng babala ng mga kinauukulan sa posibilidad na ma-revoke ang mga prangkisa ng mga indibidwal na makikiisa sa naturang kilusan.
Ayon kay PISTON president Mody Floranda, aabot sa halos 100,000 miyembro ng kanilang samahan kasama ang kanilang mga local federations ang inaasahang makikibahagi sa naturang transport strike.
Layunin aniya nito na ipahayag ay kanilang mga alalahanin pahinggil sa plano ng pamahalaan na i-upgrade ang sektor ng pampublikong transportasyon.
Hinaing ng mga jeepney drivers at operators na ang pagpapalit ng mga tradisyunal na jeepney ay magastos at mas pinapaboran lamang ang korporasyon at malalaking mga kooperatiba kaysa sa maliliit na operasyon.
Samantala, kaugnay nito ay naghanda na rin ang iba’t-ibang mga LGU at ahensya ng pamahalaan para sa pagpapatupad ng contigency plans para sa mga posibleng maging epektong idulot nito sa mga pasaherong pangunahing maaapektuhan ng nakaambang tigil-pasada.