-- Advertisements --

Nagsasagawa na ng manhunt ang mga otoridad kasunod ng pagtakas ng tatlong detainee mula sa Fishport Custodial Taytay Facility sa probinsya ng Rizal.

Kinilala ng Taytay Municipal Police Station (MPS) ang mga suspek na sina Danny Boy Cancino at Ronald Barrera na kapwa nahaharap sa drug charges at ang pangatlo ay kinilalang si Kurt Cavasal, nahaharap sa kasong illegal possession of firearms.

Batay sa opisyal na report ng PNP, isang prison guard ang nakadiskubre sa jailbreak sa naturang pasilidad kaninang 4:45 ng madaling araw(Sept. 3).

Sa kasagsagan ng masungit na panahon ay sinira ng mga ito ang metal frame ng pasilidad na nagsisilbi nilang kulungan saka tuluyang tumakas.

Ang naturang pasilidad ay nasa Samagta Floodway, Barangay San Juan, Taytay.

Nag-alok naman ang Taytay PNP ng reward na tig-P10,000 para sa bawat tumakas na preso, kapalit sa anumang impormasyon para sa kanilang ikahuhuli o pagkakabalik sa kulungan.