Iprinisinta ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong hacker na naaresto sa sunod-sunod na entrapment operation.
Ang tatlong suspek ang umano’y nasa likod ng mga cyberattack sa ilang government online resources, kasama na ang mga confidential files ng Philippine Navy.
Kinilala ng NBI ang tatlo sa kanilang ginagamit na internet codename: “Newbiexhacker,” “Haxinja,” at “D4rkJ1n,”
Ang tatlo ay magkakahiwalay na nahuli sa Tagaytay, Quezon City, at Makati City.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, nahuli si Newbiexhacker sa Tagaytay matapos siyang makuhanan ng mga sensitibo at code-protected information na umano’y ninakaw mula sa database ng Phil Navy.
Sa imbestigasyon naman sa kanya, sinabi umano niyang ang mga naturang impormasyon ay ipinasa sa kanya ni Haxinja na kinalaunan ay nakuhanan din ng sensitibong impormasyon, kasama na ang access code.
Sa entrapment operation na ginawa ng mga otoridad, nahuli ang dalawa at nakuhanan ng iba pang files na natukoy bilang strictly confidential.
Nakakuha din ang mga otoridad ng flash drive na naglalaman ng iba pang dokumento at mga larawang ninakaw mula sa Phil Navy.
Samantala, ang panghuling hacker, D4rkJ1n, ay naaresto sa Cubao, QC. Siya umano ay isa sa mga responsable sa cyberattack sa ilang government system.