Nagdagdag pa ng tatlong Kadiwa center ang Department of Agriculture (DA) na magiging outlet para sa P29 rice program ng pamahalaan.
Ang mga bagong KADIWA Center ay sa Malabon, Navotas, at Nangka sa lungsod ng Marikina.
Ayon kay DA Assistant Secretary for Consumer and Legislative Affairs Genevieve Guevarra, ito ay upang lalo pang mailapit sa publiko ang murang bigas na sinimulan nang ibenta noong nakalipas na linggo.
Maliban sa tatlong KADIWA center, maaaring magbubukas pa ng tatlong panibagong KADIWA center sa mga kalapit na probinsiya ng Metro Manila.
Ang mga ito ay maaaring magbubukas bago matapos ang buwan ng Hulyo.
Una nang binuksan ang sampung (10) mga KADIWA center sa Metro Manila at Central Luzon para sa bentahan ng P29 na bigas na nagmula sa stock ng National Food Authority.
Hanggang sa kasalukuyan, tinitiyak ng ahensiya ang pananatili at pagkakaroon ng sapat na stock ng bigas para sa naturang programa.