Nagpapatuloy pa rin sa pagbabawas ng tubig ang tatlong malalaking dam sa Luzon matapos nitong saluhin ang volume ng ulan na ibinuhos ng ST Pepito kamakailan.
Ayon sa state weather bureau, kinabibilangan ito ng Ambuklao Dam , Binga Dam at Magat Dam.
Kaninang umaga ay nagbukas ng dalawang gate ang Ambuklao dam at tatlong gate naman ang binuksan ng Binga Dam.
Malapit na kasing maabot ng kasalukuyang antas ng tubig ng parehong dam ang high water level nito.
Sa kabilang banda naman ay isinara na ng pamunuan ng Magat Dam ang isang gate na una nitong binuksan kaya’t dalawang gate na lamang ang nananatiling bukas.
Bawat gate ng Magat Dam ay may opening na tatlong metro.
Samantala, mula sa 191 meters water elevation ng Magat kahapon ay bumaba na ito sa 190.24 meters.