Lumipad patungong South Korea ang tatlong komisyoner ng Commission on Elections para inspeksyunin ang automated counting machines na binubuo ng Miru Systems Company Limited na gagamitin sa halalan sa susunod na taon.
Ayon kay Comelec Commissioner Rey Bulay, layon ng kanilang byahe na matiyak na ma-i-de-deliver sa kanila ng maayos ang wish list ng poll body.
Inatasan din silang matukoy kung may kakayahan ang Miru Systems na mai-deliver ang aabot sa 110,000 machines.
Binigyang diin din ng komisyoner na hindi lamang para sa inspeksyunin ng planta kaya sila naroroon, kundi bilang mga kinatawan ng mga botanteng Pilipino.
Layon din nito na maipabatid sa bawat Pilipino na sa mga machine gagamitin ang kanilang mga pinaghirapang tax.
Samantala, tiniyak din ng mga opisyal ng Miru sa mga komisyoner ng Comelec na ang lahat ng bahagi ng mga counting machine ay ginawa sa South Korea at mas advanced ang teknolohiya kaysa sa mga makinang ginamit ng Pilipinas.
Kumpiyansa rin ang kumpanya na gagana nang maayos ang kanilang mga makina dahil paulit-ulit na sinusubok ang mga ito.
Patuloy naman ang gagawing pagbisita ng mga opisyal ng Comelec sa planta ng Miru hanggang sa makumpleto ang produksyon ng lahat ng mga counting machine.