-- Advertisements --

Terminated at dismissed na sa serbisyo ang tatlong Office of the Transportation Security (OTS) personnels na sangkot sa pagharang sa isang psahero dahil sa hindi umano’y namataang basyo ng bala sa bagahe nito nang dumaan ito sa terminal scanner sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong March 6.

Ayon kay dating police official at kasalukuyang OTS Usec. Arthur Bisnar, nang marinig niya ang balita tungkol sa insidente ay agad na naisip ng opisyal na oras na aniya para tanggalin ang ngisi sa mukha ng mga aniya’y unprofessional, abusive at mga aroganteng kawani ng OTS.

Ani Bisnar, hindi siya ang tipo ng tao na mangungunsinti ng maling gawain at hindi rin dapat aniya hayaan na patuloy na maganap pa sa hinaharap ang ganitong mga klase ng insidente.

Kaya naman, sa isang pulong balitaan kanina ay inanunsyo na ng opisyal kasama si Transportation Secretary Vince Dizon na terminated na sa serbisyo ang mga sangkot na personnels.

Siniguro naman ng kalihim ang publiko na walang tanim bala at hindi isang tanim bala ang nangyaring insidente.

Aniya, hindi dapat matakot ang publiko dahil ang mga kawani ng Department of Transportation at maging ng iba pang ahensya ay palaging nasa panig ng mamamayang pilipino at mananatiling kakampi ng mga ito.

Sa ngayon ay nananatiling under investigation ang insidente at patuloy na inuusisa ng departamento ang mga naging pahyag at paliwanag ng tatlong sangkot dito.