LAOAG CITY – Kinumpirma ni F/Supt. Roxanne Parado, Provincial Fire Marshal ng Bureau of Fire Protection dito sa lalawigan ng Ilocos Norte na may tatlong sunog na nangyari sa iisang araw at kasagsagan mismo ng hagupit ng Bagyong Julian.
Ayon sa kanya, naganap ang unang sunog sa isang bahay sa Brgy. 15 sa bayan ng Bacarra sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Julian.
Base sa imbestigasyon, lumalabas na electrical wiring ang sanhi ng sunog sa ikalawang palapag ng bahay.
Sinabi ni F/Supt. Parado na nagkaroon din ng sunog sa isang resort sa Brgy. Saud sa bayan ng Pagudpud kung saan electrical wiring din ang itinuturong naging sanhi ng sunog.
Bukod dito, aniya, isa pang bahay ang nasunog sa Brgy. 17 sa bayan ng Vintar dahil sa napabayaang kandila na nakasindi na nakalagay sa isang durabox.
Paliwanag niya, nahirapan ang mga bumbero sa pagresponde sa nasabing mga sunog dahil sa matinding pagbaha na nararanasan ng mga lugar na dulot ng Bagyong Julian.
Samantala, nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang Bureau of Fire Protection sa tatlong sunog na naganap sa pananalasa ng Bagyong Julian sa lalawigan.