Makakaapekto pa rin sa ilang lugar sa bansa ang umiiral na tatlong weather system na kinabibilangan ng Intertropical Convergence Zone , Shear Line at Amihan ngayong araw.
Ayon sa state weather bureau, makararanas ng makulimlim at maulang panahon ngayong araw ang Visayas, Mindanao, Palawan Northern at Central Luzon at nalalabing bahagi ng Northern Luzon.
Asahan ngayong araw ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Visayas, Mindanao, Romblon, Catanduanes, Albay, Sorsogon, at Masbate dahil sa Intertropical Convergence Zone.
Dahil sa naturang panahon ay posible pa rin ang mga insidente ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Halos parehong lagay rin ng panahon ang iiral ngayong araw sa nalalabing bahagi ng Bicol Region, Quezon, Marinduque, Aurora, Isabela, Quirino, at Cagayan epekto ng Shearline.
Makakaapekto naman ang Northeast Monsoon o Amihan sa Cordillera Administrative Region, nalalabing bahagi ng Cagayan Valley, at Ilocos Norte at maaari pa rin itong magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Magiging maulap rin ang lagay ng panahon ngayong araw sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon dahil sa Shear Line.