Tumipa ng 34 points si Jayson Tatum upang pangunahan ang Boston Celtics tungo sa 128-124 panalo kontra Portland Trail Blazers.
Mistulang bumawi rin si Tatum sa malamyang performance nito sa pagharap nila sa Milwaukee Bucks noong Sabado kung saan umiskor lamang ito ng limang puntos sa 2-of-18 shooting.
Maliban kay Tatum, umalalay din si Jaylen Brown na may 30 points para sa Celtics, na nakaligtas sa pagpapaulan ng 3-points shots ng Blazers sa huling quarter.
Sumandal naman ang Portland kay Damian Lillard na may 30 points at anim na assists.
Hindi rin nagpaawat si Jusuf Nurkic na nagdagdag ng 30 points sa kanyang ikalawang official game buhat nang bumalik ito mula sa leg injury noong Marso 2019.
Umabot ng hanggang 24 puntos ang abanse ng Boston sa second quarter, ngunit naghulog ng 15-4 bomba ang Portland sa final canto, tampok ang tatlong 3-pointers ni Lillard at dalawa kay CJ McCollum, upang maagaw nila ang kalamangan sa 101-98.
Pumukol ng 3-pointer si Gary Trent Jr. sa nalalabing 2 minuto bago gumamit ng 7-0 run ang Celtics upang itakbo ang 125-119 abante sa huling 30 segundo.
Natapyasan ng Blazers ang abanse ng kalaban sa tatlo makaraang pumukol ng 3-pointer si Carmelo Anthony at pinatawan ng backcourt violation si Gordon Hayward para makuha uli ng Portland ang bola.
Bagama’t nawala kay Lillard ang bola, tinawagan ng foul ang Celtics para bigyan ulit ng isa pang possesion ang Portland sa natitirang 6.8 segundo.
Nagsalpak ng layup si Nurkic para bawasan pa sa isa ang lamang sa 3.4 segundong natitira, pero naipasok ni Hayward ang dalawa nitong free throws para itulak pa ang abanse sa 127-124.
Sa araw ng Miyerkules, makakasagupa ng Trail Blazers ang Houston Rockets.
Habang ang Miami Heat naman ang sunod na hahamunin ng Celtics sa nasabi ring araw.