-- Advertisements --

KALIBO, AKLAN – Nagsasagawa ngayon ng contact tracing ang Provincial Health Office (PHO)-Aklan sa mga maaaring nakasalamuha ng isang tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG)-Aklan na nakatalaga sa Caticlan Jetty Port.

Kasalukuyang isinailalim sa lockdown ang himpilan ng PCG-Caticlan at mga tauhan muna ng PCG-Capiz ang namamahala sa operasyon. Naka-partial lockdown naman ang PCG-Boracay.

Ayon kay provincial health officer 1 Dr. Cornelio Cuatchon Jr., sinimulan na nila ang swab specimen collection sa mga katrabaho ng 25-anyos na babaeng pasyente na residente ng Batan, Aklan.

Nakatalaga ito sa inspection department ng naturang pantalan sa mga dumarating na pasahero mula sa Batangas at Mindoro port.

Hulyo 1 nang bumiyahe ito mula Caticlan, Malay, Aklan papuntang PCG Regional Office sa Iloilo at namalagi sa isang inn sa loob ng dalawang araw.

Sumakay ito ng barko ng PCG noong Hulyo 3 mula Iloilo papuntang Maynila at pagdating doon kinaumagahan ay isinailalim sila sa RT-PCR test, kung saan, natuklasang positibo ito sa nakamamatay na sakit.

Naka-quarantine na umano ito sa Athlete’s Village sa Capas, Tarlac at nananatiling asymptomatic.